Pag-unawa sa Mataas na Presyon ng Dugo
Kilala ang mataas na presyon ng dugo o alta presyon bilang tahimik pero nakamamatay. Dahil isa itong malubhang problema sa kalusugan, ngunit hindi madalas na nagdudulot ng mga sintomas. Hindi alam ng maraming tao na mayroon sila nito hanggang sa humantong ito sa iba pang problema sa kalusugan.
Ang normal na presyon ng dugo ay mababa sa 120/80 mmHg. Kung nasa mataas ka ng ganitong lebel sa ilang pagbasa sa paglipas ng panahon, mada-diagnose ka na may mataas na presyon ng dugo. Makakatulong ang malulusog na pagbabago na mapababa ang iyong presyon ng dugo. Ngunit sa sandaling ma-diagnose ka, kakailanganin mong pamahalaan ito habambuhay.
Ano ang presyon ng dugo?
Ang iyong puso ay nagbobomba ng dugo sa mga daluyan ng dugo na nagdadala nito sa iyong katawan. Sa bawat pagtibok ng puso, itinutulak ng puso ang dugo sa pamamagitan ng daluyan ng dugo na tinatawag na mga arterya. Ang presyon ng dugo ay ang sukat ng kung gaano kalakas tumutulak ang dugo sa pinakadingding ng mga arterya habang dumadaloy ito.
Paano nakasasama sa iyong kalusugan ang mataas na presyon ng dugo
Sa isang malusog na arterya, maayos na dumadaloy ang dugo at may normal na presyon sa mga pinakadingding nito.

Ang ibig sabihin ng mataas na presyon ng dugo ay labis na pagtulak ng dugo laban sa mga pinakadingding ng arterya. Sinisira nito ang mga dingding. Nabubuo ang tisyu ng mga pilat sa mga pader habang gumagaling ang mga ito. Ngunit pinatitigas at pinahihina ng tisyu ng pilat ang mga arterya. Tinatawag na plaque ang matabang substansya na dumidikit sa tisyu ng pilat. Pinakikitid at pinatitigas nito ang mga arterya.
Mataas na presyon ng dugo:
-
Nagiging sanhi upang mas magtrabaho ang iyong puso para maipadala ang dugo sa iyong buong katawan
-
Pinatataas ang iyong panganib para sa atake sa puso, pagpalya ng puso, at stroke
-
Maaaring humantong sa sakit sa bato at pagkabulag
Suriin ang presyon ng dugo
Mahalaga na malaman ang mga bilang ng iyong presyon ng dugo. May 2 numero ang mga sukat ng presyon ng dugo, tulad ng 120/70. Ang itaas na numero ay ang presyon ng dugo sa mga pinakadingding ng arterya sa pagtibok ng puso. Tinatawag itong systolic. Ang ibabang numero ay ang presyon ng dugo sa mga pinakadingding ng arterya sa pagitan ng pagtibok ng puso. Tinatawag itong diastolic.
Ang presyon ng dugo ay maaaring:
-
Normal: systolic na mas mababa sa 120 at diastolic na mas mababa sa 80
-
Mataas: Systolic na 120-129 at diastolic na mababa sa 80
-
Mataas, Stage 1: Systolic na 130-139 o diastolic na 80-89
-
Mataas, Stage 2: Systolic na 140 o mas mataas o diastolic na 90 at mas mataas
Para sa karamihang taong may mataas na presyon ng dugo, maaaring makatulong ang pagpapanatili ng resulta na 130/80 mmHg na maiwasan ang mga problema sa kalusugan. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalasugan. Alamin kung ano ang iyong dapat na target na presyon ng dugo. Sabihin sa kanya kung ano-anong alalahanin ang mayroon ka tungkol sa iyong mga resulta.
Kontrolin ang mataas na presyon ng dugo
Kung mataas ang iyong presyon ng dugo, makipagtulungan sa iyong tagapangalaga ng kalusugan para mapababa ito. Maaaring makatulong ang mga pagbabago sa pamumuhay at posibleng ang mga gamot.
Nasa ibaba ang mga pagbabago na magagawa mo upang makatulong na mapababa ang iyong presyon ng dugo:
-
Pumili ng mga pagkain na malusog para sa puso. Magtanong sa iyong tagapangalaga tungkol sa Dietary Approaches to Stop Hypertension (DASH) na plano ng pagkain. Nililimitahan ng DASH ang sodium (asin). Kasama rito ang maraming prutas at gulay, mga pagkaing gawa sa gatas na kaunti ang taba o walang taba, buong butil, at iba pang pagkain na maraming fiber at kaunti ang taba. Kasama din sa planong ito ang mas maraming dietary potassium. Makatutulong ito na mapababa ang presyon ng dugo.
-
Bawasan ang sodium. Nakakabawas ng pagpapanatili ng likido ang pagkain ng mas kaunting sodium. Ito ay kapag napakaraming tubig ang iyong katawan. Ang pagkakaroon ng labis na asin ay nagpapataas ng dami ng dugo at presyon ng dugo. Sinasabi ng American Heart Association na ang mainam na limitasyon ay hindi hihigit sa 1,500 mg ng sodium sa isang araw, lalo na kung mayroon kang mataas na presyon ng dugo. Ngunit dahil kumakain ng labis na asin ang mga tao sa U.S., sinasabi nila na makatutulong ang pagbawas pa sa 2,300 mg kada araw. Makakatulong sa iyong presyon ng dugo at puso ang pagkakaroon lamang ng 1,000 mg ng sodium sa isang araw.
-
Manatiling malusog ang timbang. Mas malamang na magkaroon ng mataas na presyon ng dugo ang pagiging sobra sa timbang. Tumutulong ang pagbawas ng sobrang timbang na mapababa ang presyon ng dugo.
-
Mag-ehersisyo nang regular. Tumutulong ang araw-araw na ehersisyo sa iyong puso at daluyan ng dugo na gumana nang mas maayos at manatiling mas malusog. Makakatulong ito na mapababa ang iyong presyon ng dugo.
-
Huwag manigarilyo. Pinatataas ng paninigarilyo ang presyon ng dugo. At sinisira nito ang mga daluyan ng dugo.
-
Limitahan ang alak. Maaaring tumaas ang presyon ng dugo sa labis na pag-inom ng alak. Ang mga lalaki ay hindi dapat uminom ng higit sa 2 inuming may alkohol sa isang araw. Hindi dapat uminom ang mga babae ng higit sa 1 sa isang araw. Katumbas ng isang pag-inom ang 1 serbesa, isang maliit na baso ng wine, o isang shot ng alak.
-
Kontrolin ang stress. Ginagawa ng stress na mas magtrabaho ang iyong puso at pinabibilis ang tibok nito. Tumutulong ang pamamahala sa stress sa malusog na paraan na makontrol mo ang iyong presyon ng dugo.
Mga katotohanan tungkol sa mataas na presyon ng dugo
-
Ang mataas na presyon ng dugo ay kadalasang panghabambuhay na problema. Ngunit ito ay maaaring makontrol sa pamamagitan ng mga pagbabago sa pamumuhay at gamot.
-
Kailangang inumin araw-araw ang mga gamot sa presyon ng dugo. Ang biglaang paghinto ay maaaring makapagdulot ng mapanganib na pagtaas ng presyon.
-
Ang gamot ay isang bahagi lamang ng pagkontrol ng mataas na presyon ng dugo. Kailangan mo ring pangasiwaan ang iyong timbang, regular na mag-ehersisyo, at baguhin ang iyong nakasanayan sa pagkain.
-
Hindi katulad ng stress ang alta presyon. Maaaring isang dahilan ang stress ng mataas na presyon ng dugo, ngunit isa lang itong dahilan.
-
Hindi ibig sabihin ng maayos na pakiramdam na kontrolado na ang iyong presyon ng dugo. At hindi ibig sabihin ng masamang pakiramdam na hindi ito kontrolado. Ang tanging paraaan upang makasiguro ay alamin ang iyong presyon nang regular.